Dear Kabayan

“Kabayan!” Yan ang madalas na tawagan ng mga Pinoy dito sa Dubai/UAE, lalo na yung di mo kakilala pero sigurado kang pinoy ang kaharap mo.

Minsan nakiki kabayan din ang ibang lahi, madalas mga Indiano. Kasi nga yun ang lagi nilang naririnig kahit di naman nila talagang alam kung ano ibig sabihin.

Minsan natawag na rin akong: “ Mare, Please look at the camera.” ng isang arabo habang kinikuhaan ng picture para sa Emirates ID. At madalas “ate pasaload” ng mga Indianong nag sa side line ng pagpa pasa ng load sa ibaba ng building namin.

Narito ang aking “open letter” para sa ating mga kabayan.

Dear Kabayan,
 
Naiintindihan ko na mainit talaga dito sa Dubai, nasa disyerto tayo di ba? Pero sana wag mo ring kalimutan na nasa muslim country tayo, wag namang masyadong maigsi ang shorts mo na halos lumuwa na ang mata ng mga pakistani kapag nakikita ka. Igalang natin ang custom at batas ng bansa kung san tayo pansamantalang nakatira.
 
Oo, masarap makipag kwentuhan lalo na pag katapos ng trabaho, bawas stress ba. Pero kung nasa bus ka, medyo paki hinaan ang volume, hindi lang ikaw ang nakaka intindi ng tagalog. Buti na nga lang at hindi naiintindihan ng lahat ang mga maseselan mong kwento. Kulang na lang ngumiwi ako nung narinig ko kung anong sinasabi mo tungkol sa boss mo.
 
Malayo tayo sa ating mga kamag anak, asawa/boyfriend/girlfriend etc at hindi nila nakikita ang mga ginagawa natin pero di ibig sabihin eh pwede na nating gawin kung ano man ang gusto natin. Ika nga ni Eva Eugenio “TUKSO LAYUAN MO AKO” . Di ko talaga ma gets na may iba kang asawa o girlfriend sa Pinas tapos meron ka ring asawa o girlfriend dito.
 
Kabayan, kung meron kang boyfriend na ibang lahi, lalo na kung puti, ibagay mo ang porma mo sa kasama mo. Huwag mong intayin na mapagkamalan kang bayarang babae, o kaya naman ay tanungin ka ng “miss anong lahi yang amo mo?”
 
Kabayan, hindi maganda sa kalusugan kung laging hotdog na sale sa supermarket ang ulam mo. Oo nga at makaka tipid ka at may pandagdag sa ipapadala mo sa Pinas kasi ano ba naman yung 10 dirham na ulam sa isang linggo, pero pano kung magkasakit ka? Alagaan mong mabuti ang sarili mo kasi malayo tayo sa mga mahal natin sa buhay na magbabantay sana sa tin pag nagkasakit tayo.
 
Kabayan, alam kong magastos kung lagi kang lalabas. Pero bigyan mo paminsan minsan ng treat ang sarili mo. Kaya nga tayo nagta trabaho di ba? Kahit pasyal lang sa mall, o labas ka lang pag off mo. Oo nga at isang araw lang ang off mo at masarap matulog hanggang tanghali pero nakaka bawas ng stress yung mag libang. Ayon sa narinig ko, araw araw may “5 distressed ofw” galing sa middle east ang umuuwi na may psychological trauma. Huwag mo nang gawing 6.
 
Sa kabilang banda kabayan, hinay hinay tayo sa gastos.  Ang ganda nga naman ng Lacoste, IPhone, Louis Vouitton etc. pero kung sumasakit naman ang ulo mo pag natatanggap mo na ang bills ng credit cards mo bale wala rin. Wag mong kalimutan na di tulad sa Pinas, kinukulong nila dito ang mga hindi nakakabayad ng utang. (marami na sila)
 
At pang huli kabayan, sino ba naman ako na nagse sermon sa iyo? Hindi ko alam ang puno at dulo ng mga kwento ninyo sa buhay at lalong wala akong karapatang makialam. Ituring mo na isa itong paalala. Tutal sino sino ba naman ang magmamalasakit sa atin kung di yung kapwa natin KABAYAN.
 
 

Cryday

 

 

Dito sa middle east sa halip na Sabado at Linggo ang weekend, Friday at Saturday. Kung minamalas malas ka kagaya ko, isang araw lang ang off which is Friday. Hindi kasi lahat ng kumpanya dito 2 days ang off.

Gabi pa lang ng Huwebes dito sa building namin alam mo na na walang pasok kinabukasan. Maririnig mo kasi ang ingay ng videoke ng kapitbahay at ok lang sa ibang mga tao kasi nga weekend naman.

Pag Friday madalas tanghali na ako gumigising kasi bumabawi ako sa tulog at tsaka nanonood ako ng paboritong teleserye sa internet at inaabot na ko ng madaling araw.

Friday din ang araw ko ng pamamalantsa, pamamalengke at kung ano ano pang gawain na di mo natapos nung nakaraang Linggo. Ito rin ang araw ng simba. Buti na lang at meron Catholic church dito sa Dubai.

Friday din ang araw kung kelan mas mura ang pagtawag sa Pinas, madalas akong tumatawag sa amin pag Friday. Kinakamusta nanay ko, mga kapatid at pamangkin. O kaya naman pag tipd mode – skype na lang, naka video call pa.

Ganyan din ginagawa ng mga ka roommate kong itago natin sa pangalang Maria (very typical!). May 2 anak si Maria na nasa Pinas. Hiwalay sya sa asawa at sya ang mag isang nagtataguyod sa mga anak nya. Madalas syang makipag Skype sa mga anak nya lalo na pag Friday. Tapos lagi rin syang naiiyak kapag kausap nya ang mga anak nya. Two months pa lang ang bunso nya nung iniwan nya sa Pinas. Ang hirap para sa ina ang makitang lumalaki ang anak na di nya man lang kasama.

Umiiyak din ako paminsan minsan, lalo na kapag nakakausap ko mga pamangkin ko, pano pa kaya kung may asawa o anak ako?

 

Previous Older Entries

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.